Biyernes, Setyembre 8, 2017

         
Isang magandang bati sa lahat!
             Kagaya ko bilang isang kabataan, may kamalayan ba kayo sa mga nangyayari sa ating lipunan? Paano nga ba natin ito matutugunan at mabibigyan ng solusyon?
              Naaalala niyo pa ba ang kasabihan noon na "Ang kabataan ang pag-asa ng bayan"? Sa panahon ngayon, may malaking porsyento ng mga mamamayan ang kinalimutan na iyan sapagkat, maraming isyu na naging dahilan ng negatibong pananaw sa mga kabataan ngayon.
              Masakit isipin na dahil sa kahirapan, maraming kabataan ang naudyok na gumawa ng mga masasamang bagay. Imbes na magsumikap ng makaahon sa kahirapan, pagsangkot sa mga krimen at pagkalulong sa masasamang bisyo ang solusyon nila. Ito ang dahilan kung bakit nawawalan nang tiwala ang mga nakakatanda sa mga kabataan ngayon. Wala namang masama sa pagiging dukha, kung tayo ay magsumikap lamang na malampasan ang problemang ito kahit tayo'y hinihila pa rin pababa dahil sa pagiging makasarili ng bawat isa sa atin. 
             Huwag niyong idahilan ang pagkukulang ng pamahalaan o ng inyong mga magulang. Sa nakikita ko ay kawalan ng determinasyong mangarap at iba pang mga dahilan ng inyong paghihirap, ito ay isang bagay na hindi nararapat isisi kahit nino man. Totoo ngang ang pamahalaan o ang mga magulang natin ang ilan sa mga dahilan ng ating paghihirap, ngunit naisip ba ninyo na kung wala sila ay wala tayong matututunan ukol sa buhay? Sabi nga ng mga nakakatanda "Hindi matututo at magiging tagumpay sa buhay ang isang tao kung walang pagsubok na darating at kailangang solusyonan", "Hindi tayo mauudyok na tumayo sa sarili nating mga paa kung walang mga pagsubok na mararanasan upang tayo ay maging tagumpay sa buhay",at "Kung ika'y tunay ngang Pilipino, sa pagsisikap ay walang imposibleng bagay kung tahasang hangarin mo itong maganap".
         Kaya bilang bagong henerasyon ng mga kabataan, tayo'y magtulungan upang masugpo ang kahirapan. Para makamit ang pagbabago at maginhawang buhay na matagal nang inaasam ng ating lipunan. Simulan natin ang pagbabago sa ating mga sarili na gusto nating makita ng mga mamamayan mula sa bayang kinalakhan. Maging huwaran ng lahat sa pamamagitan ng pag-iisip at pagkilos ng mabuti na may katwiran. Balang araw tayo ay magiging bahagi ng hinaharap, kaya magsikap tayo hanggat hindi pa nahuhuli ang lahat sa kahirapang di mawawakasan kung tayo mismo'y hindi marunong gumawa ng mabuting hakbang.
              Kaya para sa mga kabataan, huwag tayong magbulagbulagan sa mga nagaganap. Sapagkat, tayo ay pag-asa ng hinaharap na makapagpapabago ng lipunan sa magandang paraan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento